-- Advertisements --

Nagisa sa ikatlong araw ng hearing ng Senado ang ilang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) kaugnay pa rin ng implementasyon ng kontrobersyal na good conduct time allowance (GCTA) law.

Sinabon ni Sen. Panfilo Lacson si BuCor technical chief Supt. Maria Fe Marquez na siyang direktor ng directorate for reformation.

Ito’y kasunod ng tila minadali umanong pagpalaya sa 44 na convicts noong August 16.

Kabilang kasi rito ang tatlong murder at rape convincts ng Chiong sisters case na si Josman Aznar, Alberto Caño at Ariel Balansag.

Ayon kay Marquez, nasa Sablayan prison noon si dating BuCor chief Nicanor Faeldon at may mga opisyal ng BuCor na nakiusap sa kaniya para pirmahan ang memorandum of release ng 44 na convicts.

Napilitan daw siyang pirmahan ito dahil sa takot na baka makasuhan sila ng arbitrary detention.

Inamin naman ni BuCor legal chief Atty. Frederic Santos na nagkaroon ng demand mula sa abogado ng tatlong akusado sa Chiong case pero bigo itong masagot ang tanong ni Lacson kung bakit minadali ang release ng mga iyon.

Kinontra rin ni Santos ang pahayag ni Marquez hinggil sa sinasabing parusa kung hindi napirmahan ang memorandum of release.

Pero para kay Senate committee on justice chairman Sen. Richard Gordon, hindi maituturing na release order ang naturang memorandum dahil hindi si Faeldon ang nakapirma rito.