Pinoproseso na matapos aprubahan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” Pangandaman ang pagpapalabas ng higit-kumulang P30.409 bilyong pondo para sa regular pension requirements ng mga militar at uniformed personnel (MUP) para sa unang quarter ng taong 2025.
Ito ay pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ukol sa naturang concern.
Ayon pa kay Secretary Pangandaman, ang naturang P30.409 bilyong pondo ay nakalaan para sa Pension and Gratuity Fund (PGF) sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 12116 o ang FY 2025 General Appropriations Act (GAA).
May kabuuang P16.752 bilyon ang inilaan sa Armed Forces of the Philippines – General Headquarters-Proper at sa Philippine Veterans Affairs Office sa ilalim ng Department of National Defense (DND).
Samantala, nasa halos P13 billion ang inilaan para sa mga attached agencies ng Department of Interior and Local Government (DILG) kabilang ang Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology at National Police Commission.
Para sa 34 pensioners na nasa ilalim ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), nagpalabas si Secretary Pangandaman ng kabuuang P8.530 milyong pondo.
Panghuli, ang mga funding requirements para sa pagbabayad ng mga pensiyon ng 2,836 retiradong uniformed personnel ng Department of Transportation (DOTr)-Philippine Coast Guard (PCG) para sa parehong panahon ay nagkakahalaga naman ng P350.680 milyon.
Ang pagpapalabas ng mga naturang pondo ay nakabase sa actual na pension payroll na isinumite naman sa mga nabanggit na MUP agencies noong Disyembre 31, 2024.