Inilatag na ng mga abogado ng class suit laban sa pamilya Marcos ang petsa ng distribusyon ng panibagong bayad danyos mula sa naibentang paintings ni dating First Lady Imelda sa Amerika.
Ito’y matapos manindigan ang isang judge sa New York na tuloy ang pamamahagi ng kompensasyon sa kabila ng pagharang dito ng pamahalaan ng Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ng martial law veteran at executive director ng grupong Claimants 1081 na si Zenaida Mique ng patuloy ang preparasyon ng kanilang hanay matapos maatasang mangasiwa sa distribusyon.
“Ongoing yung preparations namin for schedule and venues (pero) uunahin namin sa Mindanao: May 1 and 2 sa Butuan, then Cagayan de Oro, Davao, Pagadian City for Zamboanga region. We will announce the official schedule and venues; by today we’ll be mailing all the notices to the claimants,” ani Mique.
Sa bisa ng nilagdaang order ni Judge Katherine Failla ng US Federal Court, makakatanggap ng tig-1,500 US dollars ang nasa 6,500 rehistradong biktima na kabilang sa class suit.
Galing ito sa 13.75-million US dollars na settlement agreement mula sa sinasabing ill-gotten paintings na ibinenta.
“There was no hesitation by the judge in ordering the transfer of funds. She (Failla) was intimately involved in negotiating the settlement and knew the authority of each of the parties,†ani Atty. Robert Swift, lead counsel ng class suit.
Nauna ng sinabi ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na nakatanggap sila ng go signal mula sa Malacanang para makisali sa negosasyon ng kasunduan.
Pero hindi kalaunan nang kumabig din ang gobyerno at sabihing itutuloy na lang nito ang paghahabol ng claims sa pamamagitan ng kaso ng mga Marcos na nakabinbin pa sa Sandiganbayan.
Pinatotohanan din ito ng Office of the Solicitor General kamakailan nang sabihing nagkasundo sila ng PCGG at Department of Justice na kontrahin ang agreement dahil “disadvantageous” umano ito para sa pamahalaan.