-- Advertisements --
kuryente

Asahan na ng mga residente ng Negros provinces ang mas madalang na brownout at murang kuryente sa mga susunod na taon.

Ito ay sa sandaling maaprubahan ang House Bill 9310 na nagsusulong na mabigyan ng prangkisa ang Negros Electric and Power Corporation (NEPC) na naglalayong magestablisa ng electric power distribution system sa Bacolod, Silay, Talisay,  Bago at munisipalidad ng Murcia at Don Salvador Benedicto sa Negros Occidental.

Sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises sa pamumuno ni Parañaque Rep. Gus Tambunting ay nagmosyon si PBA Partylist Rep Margarita Nograles na aprubahan “in principle” ang panukala at pinagsusumite ng mga kaukulang dokumento ang Energy Regulatory Commission, National Electrification Administration, Securities and Exchange Commission, Central Negros Electric Cooperative (CENECO), at Primelectric Holdings Inc.

Ayon kay Primelectric Holdings Inc. President Roel Castro agad silang tatalima sa kautusan ng komite.

Sinabi ni Castro na malaki ang magiging pakinabang sa mga residente sa oras na maaprubahan ang prangkisa ng NEPC lalo pa at nahaharap sa malaking problema ang supply ng kuryente sa Negros sa ilalim ng pangangasiwa ng CENECO.

Ang CENECO ay may 48 taon nang nag-ooperate at sa ilalim ng kanilang prangkisa ay mayroon pa itong 7 taon o hanggang 2030, subalit para mapagbuti ang serbisyo ng CENECO ay pumasok ito sa Joint Venture Agreement (JVA) sa pagitan ng Primelectric Holdings Inc., ang sister company ng More Electric and Power Corporation(More Power),ang distribution utility na nag ooperate sa Iloilo City.

Ang NEPC ang siyang kumpanya na nabuo sa JVA at ito ngayon ang siyang humihingi ng legislative franchise sa Kamara.

Sa ilalim ng NEPC ang 30% ownership ay mananatili sa CENECO habang ang Primelectric ay bibilihin ang 70% assets nito.

Nagpahayag ng kumpiyansa si Castro sa kakayahan ng NEPC na mabago ang power supply sa Negros, aniya, nagawa nila ito sa Iloilo.

Giit pa nito na pinakamalaking contributor sa improvement ng Iloilo ay ang pagbuhos nila ng pondo sa Capital Expenditures.

Tiwala si Castro na maaprubahan ng Kongreso ang hinihingi nilang prangkisa lalo at mga kongresista mismo sa Negros na sina Representative Joseph Stephen Paduano, Francisco Benitez at Juliet Marie de Leon Ferrer ang siyang nag-akda ng panukala