TUGUEGARAO CITY- Pinayagan din na maibiyahe ang mga relief goods na unang hinarang sa quarantine checkpoint sa Nueva Vizcaya nitong Miyerkules ng umaga.
Sinabi ni Dr. Zaldy Olivas ng Bureau of Animal Industry Region 2 na hinarang ang mga relief goods na lulan ng sa mga truck dahil sa may canned goods na na may karne ng baboy.
Unang inakala na ang mga relief goods ay para sa Cagayan at Apayao kaya hindi pumayag si Governor Manuel Mamba na pumasok ang mga pork based products.
Gayunman, matapos na tumawag si Narciso Edillo, executive director ng Department of Agriculture Region 2 sa checkpoint ay nalinawan na ang mga nasabing relief goods ay para sa lalawigan ng Apayao lamang.
Dahil dito, pumayag si Governor Mamba na idaan sa Cagayan ang mga relief goods papunta ng Apayao.
Nabatid na ang relief goods ay mula sa Manila at ang pagharang ay bahagi ng mahigpit na pagbabantay laban sa African Swine Fever.