-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nanguna si Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista ang pagrerepake ng mga relief items na ipamimigay sa abot 43,000 na mga pamilyang nasa ilalim ng community quarantine sa lungsod bunsod ng Coronavirus Disease 2019.

Kinabibilangan ito ng bigas, de-latang sardinas, corned beef at meat loaf ang relief items na ibibigay sa mga apektadong pamilya, ayon pa sa alkalde.

Ni-recall na rin ni Mayor Evangelista ang mga empleyado ng city government na nasa ilalim ng skeletal workforce upang magtulungan sa pagrerepake ng mga relief items sa city gymnasium.

Sinimulan ang pagrerepake, March 30, 2020.

Una nang hiniling ni Mayor Evangelista sa National Food Authority na reserbahan ng sako-sakong bigas ang city government upang maitaguyod ang pangangailangan sa pagkain ng 43,000 na mga pamilyang nakatira sa 40 barangay sa lungsod na sumasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) na nagsimula March 18, 2020.

Tiniyak naman ni Mayor Evangelista na well milled rice ang matatanggap ng mga apektadong pamilya sa panahon ng ECQ.

Ibibigay ito ng Philippine Red Cross at ng City Social Welfare and Development Office katuwang ang mga barangay LGU’s.

Samantala, ipinatutupad na ng mga Barangay Local Government Units ang quarantine check points sa kani-kanilang mga hangganan.

Basehan ng pagtatayo ng checkpoints ang executive order number 30 s. 2020 na ipinalabas ni Mayor Evangelista.

Kaugnay nito ay dapat sumunod ang mga residente ng barangay sa kautusan ng national government gaya ng 9pm to 5am curfew hours, physical distancing, pag-iwas sa lahat ng pagtitipon at pag angkas sa mga motorsiklo para maka-iwas sa pagkalat ng COVID-19.