VIGAN CITY – Patuloy pa rin ang relief operations para sa mga biktima ng lindol sa Itbayat, Batanes kasabay ng kanilang paghahanda sa epekto ng bagyo Hanna.
Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Vigan ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) – Office of the Civil Defense spokesman Mark Timbal.
Ayon kay Timbal, ang relief operations sa lugar ay naisasagawa sa tulong ng air at sea assets ng Armed Forces of the Philippines kung saan aabot sa 1,025 na pamilya ang kanilang hinahatiran ng mga food items, hygiene and sanitation kits, pati na mga gamot.
Aniya, maliban sa relief operations na kanilang isinasagawa sa lugar katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan, binabantayan din nila ang kalagayan ng mga residenteng nakatira sa mga make-shift tents sa epekto ng Bagyo Hanna lalo pa’t nakataas ang tropical cyclone warning signal number 1 sa Batanes.
Hindi naman itinanggi ng opisyal na hanggang sa ngayon ay mayroon pang mga aftershocks na nararanasan sa lugar ngunit mas mahina na ang mga ito kung ikukumpara sa mga nakalipas na araw.