KORONADAL CITY – Nagpaliwanag ngayon ang local government unit ng Kidapawan City sa pansamantalang pagkakaantala ng pamamahagi ng relief operations sa kanilang nasasakupan sa gitna pa rin ng krisis dulot ng covid-19.
Ito’y dahil natuklasan ng lokal na pamahalaan ang diumano’y sirang bigas na natanggap ng ilang mga residente na apektado ngayon ng Enhanced Community Quarantine.
Ayon kay Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista, kaniya nang iniutos ang malalimang imbestigasyon ukol dito at pansamantalang itinigil ang pamamahagi nito kabilang na ang ikalawang bugso ng pamamahagi ng relief packs.
Sa ngayon ay inaalam na ng pamahalaan kung nanggaling ba sa National Food Authority (NFA) ang sirang bigas o di kaya’y naiwang nakatengga sa bodega ng City government.