BUTUAN CITY – Magpapatuloy pa rin ang pamimigay ng mga relief goods ng mga youth volunteers nitong lungsod ng Butuan para sa mga sinalanta ng bagyong Odette kahit na tumaob kahapon ang motorbanca na kinargahan ng mga relief goods para sana sa mga apektado sa bagyong Odette sa Dinagat Islands.
Inisyatiba sa mga pribadong indibidwal at ibang mga youth volunteers ang paghahatid sana sa nasabing mga relief goods sa isla sa pangungunahan ni Sangguniang Kabataan Butuan City Federation President Zephanee ‘Pan Pan’ Nietes.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines, inihayag ni Nietes na base na sa kanyang pakikipag-ugnayan sa grupo, nalaman niya na habang naglayag ang nasabing sasakyang pandagat ay bigla na lang umanong sumama ang panahon kungsaan lumakas ang ihip ng hangin at hinahampas na itongnaglalakihang alon sanhi ng pagtaob.
Ligtas naman ang lahat ng mga sakay nito nang dumating ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard-Surigao del Norte ngunit nabasa na ang 50 porsyento sa maong mga relief goods.
Sakay ng tumaob na Bangka ang 250 na mga food packs pati na ang mga solar powered lights at tubig para sana sa bayan ng Libjo, sa Dinagat Islands province.
Dahil sa nangyari ay ibinigay na ang natirang mga relief goods sa isang komunidad sa Punta Bilar sakop sa probinsya malapit sa pinangyarihan.
Nananawagan din ito sa mga nakikinig na suportahan ang kanilang hakbang o kaya’y direkta na mismong puntahan ang mga apektadong lugar.
Nagpapasalamat din ito sa Bombo Radyo na syang tumulong sa kanya pag-facilitate ng tawag sa Philippine Coast Guard-Surigao del Norte kung kaya’t nailigtas ang mga sakay ng bangka pati na ang mga tripokante at iba pang mga relief goods.