-- Advertisements --

Tiniyak ng Manila Water na makakatanggap ng “relief” sa bill sa tubig ang kanilang mga customers na apektado ng water interruption.

Sa pagdinig ng House committee on public accounts, sinabi ni Manila Water CEO Ferdinand Dela Cruz na binigyan na niya ng direktiba ang kanyang mga tauhan hinggil sa mga posible nilang gawin sa water bill ng kanilang mga consumers.

Una rito, ilang mambabatas ang nagrekominda sa Manila Water na huwag nang singilin o bigyan na lang ng refund ang mga customers ng naturang kompaniya dahil sa naranasang water interruptions bunsod ng krisis sa tubig.

Samantala, sinabi ni Dela Cruz na target nila ang 99 percent coverage sa kanilang nasasakupan hanggang sa matapos ang buwan ng Marso.

Sa ngayon daw kasi sa 65 na barangay na kanilang sakop, 11 pa ang wala pa ring water supply.

Pero tulayang manunumbalik lamang ang dating mataas daw nilang serbisyo sa katapusan ng summer season o sa katapusan ng buwan ng Mayo.

Samantala, sinisingil ng ilang kongresista ang Manila Water sa accounting ng kanilang siningil sa publiko mula noong 1997 para sa pagtayo ng waste water treatment plants.

Sinabi ni Senior Deputy Minority Leader na hanggang sa ngayon ay hindi natutupad ng Manila Water ang pangako nitong magtatayo ng waste water treatment plants noon pang 2014.

Iginiit ni Atienza na nakasaad sa concessionaire agreement ng Manila Water ang pagtayo ng waste water treatment facility.

Pero sa halip na tuparin daw kasi ang pangakong ito, nakakuha pa ng extention ang Manila Water hanggang 2037 para maitayo ang naturang pasilidad.

Para sa kongresista, pangwawalanghiya na ang ginagawa na ito ng Manila Water dahil isa rin ito sa dahilan bakit madumi ang Manila Bay.