Kumpiyansa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mas mapapadali na ang proseso sa pamimigay ng cash assistance matapos ilunsad ang isang mobile application na dinisenyo para rito.
Ang “ReliefAgad” app, na magkasamang inilunsad ng DSWD at Department of Information and Communications Technology (DICT) ngayong araw, ay sinasabing makatutulong para gawing automated ang distribusyon ng tulong pinansyal sa ilalim ng social amelioration program.
Sa isang virtual press briefing, sinabi ni DSWD Usec. Danilo Pamonag na mas malaking ginhawa ang dulot nito sa mamamayan dahil hindi na nila kailangan pang pumila ang mahaba at maghintay nang matagal para sa ayuda.
Tiniyak din ni Pamonag na nasuri na ito ng mga developers mula sa DICT, at sumusunod din sila sa mga alituntunin ng data privacy.
“Taking note of all the lessons learned and feedback gathered from the first tranche implementation of SAP, we are streamlining our processes in adopting more effective measures to achieve more efficient, organized, and speedy SAP distribution,” wika ni Pamonag.
Tampok sa nasabing app ang interface para sa electronic payment system upang mapabilis ang pamamahagi ng cash assistance sa mga target na benepisyaryo.
Sa pamamagitan ng Rapid Pass Platform, ang ReliefAgad ay gagamit ng crowdsourcing at manual encoding o batch na ina-upload ng mga local government units.
Maaaring magparehistro ang mga benepisyaryo at ipadala ang kanilang detalye sa kanilang mga LGU at DSWD local field offices sa pamamagitan ng mobile app.