KORONADAL CITY- Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pamamaril-patay sa isang religious leader sa lungsod ng Koronadal.
Kinilala ni Police Lt. Col. Amor Mio Somine ang nasawi na si Bishop Juanito Policios, host Pastor ng God’s Family Care in Koronadal City Philippine Mission, Inc at residente ng Barangay San Isidro, Koronadal City.
Ayon kay Lt. Col. Somine, nangyari ang pamamaril sa biktima sa Purok Maligaya, Barangay San Isidro nitong lungsod pasado alas-12 ng tanghali, araw ng Linggo.
Lumabas sa imbestigasyon ng mga otoridad na hinabol ng riding-in-tandem suspects ang biktima na sakay ng kaniyang motorsiklo pauwi sa kanilang tahanan hanggang sa pinaputukan sa lugar na halos walang mga bahay at masukal dahil sa maraming puno ng kahoy.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Barangay San Isidro Captain Lloyd Gabutin, ipinaalam lamang sa kanya ng ilang nakakita sa pamamaril sa pastor kung saan naisugod pa ito sa pinakamalapit na ospital ngunit binawian ng buhay.
Inihayag din ni PLtCol. Somine na may mga natanggap nang banta sa buhay ang biktima ngunit hindi pa matukoy sa ngayon kung ano ang motibo ng krimen.
Napag-alaman na tumatayo rin umanong religious affairs coordinator ng bise alcalde ng Koronadal si Pastor Policious.
Sa ngayon, hiling ng pamilya ng biktima na makamit ang hustisya sa pagkamatay nito at mahuli sa lalong madaling panahon ang mga suspek.