Dumating sa Pilipinas mula sa Japan ang remotely operated vehicle (ROV) na gagamitin sa pagsuri sa kondisyon at paglalagyan ng tumagas na langis mula sa lumubog na MT Princess Empress.
Nasa probinsiya ng Batangas ang ROV na kinontrata ng RDC Rield Marine Services na kompaniyang nagmamay-ari sa lumubog na motor tanker sa may karagatan ng Naujan, Oriental Mindoro.
Nakatakdang suriin nito ang kondisyon ng motor tanker ngunit kailangan pa ring sumailalim sa customs at documentary process bago ito payagang mai-deploy.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, ang inisyal na plano ay tapalan ang mga butas ng lumubog na oil tanker at ipasipsip ang langis subalit wala pa sa usapan ang pag-angat sa barko.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang bansa sa South Korea para sa deployment ng kanilang mga coast guard personnel sa Oriental Mindoro para tumulong sa oil spill cleanup.