Inatasan ni Interior Secretary Juanito Victor Remulla ang Police Regional Office-Central Luzon (PRO-3) na paigtingin pa ang kanilang pagsugpo sa mga private armed groups (PAGs) bago magsimula ang election activities sa susunod na taon.
Inihayag ito ni Remulla sa kaniyang pagbisita sa headquarters ng PRO-3 sa Camp Olivas sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga, kung saan inutusan niya ang mga opisyal na i-disband ang mga PAGs na ginagamit ng mga pulitiko tuwing panahon ng eleksyon.
Ani Remulla, dapat na tiyaking ligtas ang mga komunidad at siguruhing malaya sa impluwensya ng lawless elements.
Dagdag pa rito, kailangan din daw na tiyakin ng pulisya ang kaligtasan ng mga kandidato habang sumusunod sa patakaran na manatiling apolitical.
Inaasahan ni Remulla na madi-disband ang lahat ng PAGs ng PRO-3 bago mag Marso.