-- Advertisements --

Inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang pagnanais nito na tuluyan nang mapalitan si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco,

Ito’y dahil sa umano’y kapabayaan nito dahilan para makalabas ng bansa si dismissed Bamban Mayor Alice Guo at ang ilang usapin sa pag-iisyu ng visa sa mga pekeng korporasyon.

Ayon kay Remulla, nawala na ang kanilang tiwala at kumpyansa kay Tansingco.

Aniya, kinausap na niya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr hinggil sa nasabing usapin.

Una nang ibinunyag ni Remulla ang umano’y kalakaran sa pag iisyu ng BI ng visa sa mga korporasyon para magdala ng mga illegal gambling workers sa bansa.

Wala pang tugon si Tansingco sa mga panibagong alegasyon ni Remulla.

Samantala, naniniwala ang Presidential Anti-Organized Crime Commission na walang ebidensya na nagkaroon ng sabwatan sa pagitan ng BI at ni Guo para makatakas ito ng bansa.