Inirekomenda ng Special investigation task group 990 na magpatupad ng “Reorganization” sa hanay ng PNP-drug enforcement group kasunod ng isyu sa umano’y “Massive cover-up” ng ilan sa mga tauhan nito kaugnay sa nasabat na 990kg ng ilegal na droga mula sa pangangalaga ni dating PMSG Rodolfo Mayo Jr.
Ito ay matapos na makitaan ng naturang task group ng pananagutan ang halos 50 tauhan ng PDEG patungkol sa nasabing kaso kung saan napag-alaman pa nito na kinupit pa ng ilang pulis ang iba pang ilegal na droga mula sa naturang crime scene.
Ayon kay PMGEN Eliseo Cruz, ang director for investigation and detective management, dahil dito ay kinakailangan na ang pagpapatupad ng reorganization sa naturang hanay pulisya.
Kaugnay nito ay magiging istrikto na rin sa mga PDEG personnel at pagsusuotin din sila ng mga body cameras sa lahat ng kanilang operasyon.
Bukod dito ay inirekomenda nito na isailalim din sa lifestyle check ang lahat ng mga tauhan ng PDEG anim na buwan.
Lilimitahan na rin ang assignment ng mga ito hanggang tatlong taon, habang mas hihigpitan pa ang vetting process ng intelligence group at integrity monitoring and enforcement group sa mga pdeg personnel.
Kung maaalala, una na ring inirekomenda ng SITG990 na sampahan ng criminal at administrative charges ang mga sangkot na pulis kabilang na PBGEN Narciso Domingo na dating hepe ng PDEG dahil sa kanilang paglabag sa RA 9165 at Article 183 ng revised penal code, at gayundin sa kanilang kinasangkutang grave neglect of duty; incompetence to perform duties of a police officer; grave dishonesty for concealment of truth; and misfeasance.