Para kay Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., chairman ng House Committee on Human Rights, ang pagtakas ni dating Presidential spokesman Harry Roque ay indikasyon na guilty ito sa paratang sa kanya.
Naglabas ng arrest order ang House Quad Committee laban kay Roque dahil sa pagtanggi nito na isumite ang mga dokumento kaugnay ng kanyang yaman, transaksyon sa lupa at tax records na nauna na nitong ipinangako na isusumite.
Hindi na rin dumalo sa pagdinig ng komite ni Roque.
Sinabi ni Roque na lumabis ang Kongreso sa panggamit nito ng kapangyarihan at lalabanan umano nito sa korte ang inilabas na contempt ng komite.
Pero giit ni Abante, may karapatan ang Kongreso na mag imbestiga dahil kung wala namang isyu sa mga dokumento na pinapasubmit ay dapat ma comply ito.
Ipinunto ni Abante na maraming oportunidad na ang ibinigay ng komite kay Roque upang linisin ang kanyang pangalan.
Nakakuha ang Quad Committee ng mga ebidensya na nag-uugnay kay Roque sa Lucky South 99, isang iligal na POGO na ipinasara sa Porac, Pampanga.
Inaalam ng komite kung tugma ang legal na kita ni Roque sa naging paglago ng yaman nito.
Sumali na rin ang Philippine National Police sa paghahanap kay Roque.