Ipinaliwanag ni Assistant Majority leader Jude Acidre ang magiging papel ng Tingog Partylist sa health development program katuwang ang PhilHealth at Development Bank of the Philippines (DBP).
Ito ay upang itama ang ikinakalat na maling impormasyon.
Ang programa ay tinawag na “Maalagang Republika: Rural Financing Health Development Program.”
Paglilinaw ni Acidre hindi ito Tingog led projects.
Sa kabila ng kritisismo, sinabi ni Acidre na determinado ang Tingog na isulong ang programa.
Sinabi ng mambabatas na prayoridad ng Tingog na mapalakas ang pagtatayo ng mga ospital na pinatatakbo ng mga lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga tertiary hospital na pinatatakbo ng national government.
Ayon sa mambabatas nais ng Tingog Partylist na matugunan ang kakulangan sa healthcare system sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga reporma sa batas.
Inihalimbawa ni Acidre ang pagsusulong ng partylist group sa pagsasabatas ng Republic Act No. 11567 na nagtataas sa bed capacity ng Eastern Visayas Medical Center mula 500 at gawin itong 1,500 beds, at RA 11703 na nagtatayo ng Samar Island Medical Center, isang tertiary hospital sa Calbayog, Samar.
Suportado rin umano ng Tingog ang pagtatayo ng Philippine Cancer Center upang matulungan ang mga may kanser.
Kinilala rin ni Acidre sina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang magkaroon ng badyet ang Cancer Assistance Fund sa ilalim ng National Integrated Cancer Control Act.
Suportado rin umano nila ang pagsasabatas ng panukalang Philippine Pharmaceutical Innovation Act.
Layunin ng panukala na manguna ang bansa sa healthcare innovation upang matugunan ang mga problema sa clinical trials, maisulong ang artificial intelligence at precision medicine, at maging competitive ang health care system ng bansa.
Itinutulak din umano ng Tingog ang amyenda sa Medical Act, ang batas para sa mga doktor.