Binasag na ni Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. ang kaniyang katahimikan kaugnay sa brutal na pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ibinunyag ni Teves na kasalukuyan itong nasa abroad para sa kaniyang treatment.
Ginawa ng mambabatas ang naturang pahayag sa pamamagitan ng ibinahagi nitong video online ngayong araw.
Kinondena nito ang pagpatay sa Gobernador at itinanggi ang pagkakasangkot sa krimen.
Ayon pa kay Teves, wala siyang motibo kung sakali at hindi siya magbebenipisyo dito gayundin ang kaniyang kapatid na si Henry Teves.
Kung maaalala, ang kapatid ni Teves na si Henry ay naging katunggali ni Degamo noong nakalipas na May 2022 national at local elections.
Iprinoklamang nanalo si henry Teves subalit kinuwestyon ito ng kampo ni Degamo.
Kinatigan naman ng election officials ang protesta ni Degamo at pinayagang mapunta sa kaniya ang boto ng isang nuisance candidate na nagngangalang Ruel Degamo dahilan para malagpasan ang bilang ng boto na nakuha ni Henry Teves.
Inilahad din nito na base sa kaniyang intel, may isang indibdiwal na nais siyang idiin sa pagpaslang kay Governor Degamo.