Binatikos ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers ang pagsasampa ng kasong libel at certiorari ng social media vloggers laban sa kanya at ilang miyembro ng Tri-Committee na nag-iimbestiga sa isyu ng fake news.
Tinawag ni Barbers na pagdiskaril sa pagsisikap ng Tri-Com na i-regulate ang paggamit at pag-abuso sa social media ng content creators ang paghahain ng certiorari at libel cases.
Naniniwala si Barbers na hindi mabigat ang kaso dahil wala naman siyang pinangalanan na kabilang umano sa tinaguriang “narco-vloggers” sa mga talumpati at panayam.
Punto ng kongresista, kung hindi guilty ang social media content creators ay bakit sila nasasaktan at nagsampa ng kaso.
Lagi umano siyang tumatalima sa probisyon ng Konstitusyon ukol sa malayang pagpapahayag ngunit hindi dapat ito magamit na lisensya para sirain ang reputasyon ng isang tao at magparatang ng kung anu-anong kasinungalingan at propaganda.
Sinabi ni Barbers na karamihan sa mga naghain ng petisyon sa Korte Suprema at nagsampa ng kaso sa Korte ay ipinatawag na sa pagdinig ng Tri-Com ngunit halos lahat ay tumangging humarap.
Kumbinsido ang mambabatas na nais gamiting panangga ng vloggers ang mga korte sa pagpapakalat ng kasinungalingan at paninirang puri ng mga tao.