Hinatulan sa Tagum, Davao del Norte ng parusang pagkakakulong sina ACT Teachers party-list Rep. France Castro at dating Bayan Muna party-list Rep. Satur Ocampo.
Hanggang anim na taon ang ipinataw na pagkakabilanggo sa kanila dahil sa paglalagay umano sa panganib sa mga menor de edad noong Nobyembre 2018.
Sa isang 25-pahinang desisyon, natukoy ng Tagum Regional Trial Court Branch 2 na may sala sina Castro, Ocampo, at 11 iba pa sa paglabag sa Seksyon 10(a) ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act at sila’y hinatulan ng pagkakabilanggo mula apat na taon hanggang anim na taon.
Inatasan ng hukuman na magbayad sila ng P10,000 bilang civil indemnity at P10,000 bilang moral damages sa bawat menor de edad, na may interes na 6% kada taon mula sa pagiging final ng desisyon hanggang sa buong pagbabayad.
Samantala, inabsuwelto ng Korte sina Pastor Edgar Ugal, Rev. Ryan Magpayo, Eller Ordeniza, at Rev. Jurie Jaime dahil sa pagkukulang ng prosekusyon na patunayan ang kanilang pagkakasala.
Agad namang inalmahan ng kampo ni Castro ang naging hatol ng hukuman.