LEGAZPI CITY- Inaasahang matatalakay ng House of Representatives ang isinusulong na House Bill 7568 o ang pagbibigay ng karagdagang P750 sa sahod ng mga nasa pribadong sektor.
Maaalalang isinumite ang panukala nina Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, ACT Teachers Rep. France Castro, at Kabataan Rep. Raoul Manuel.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Representatibe Castro, sinabi nito na napapanahon lamang ang naturang panukala dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin kasabay ng mataas na inflation.
Aniya, kinakailangan ito upang maabot ang family minimum wage ng mga Pilipino upang matustusan ang araw-araw na pangangailangan.
Dagdag pa ng mambabatas na ipapatupad ang nationwide increase dahil lahat na man ng mga lugar sa bansa ay apektado ng inflation.
Umaasa naman si Castro na pag-aaralang mabuti ang kanilang panukala dahil labis na nahihirapan ang mga manggagawa sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa.
Samantala sa ilalim ng panukala, ang mga micro- and small enterprises na hindi kayang magpatupad ng naturang wage increase ay maaaring mag-apply para sa wage subsidies.