LEGAZPI CITY – Kumpiyansa si Alliance of Concerned Teachers Partylist Representative France Castro na maipapanalo ang kasong grave threat na isinampa laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Castro, kinumpirma nito nakapagpadala na ang Quezon City Prosecutors Office ng subpoena para sa pagsisimula ng preliminary investigation na itinakda sa Disyembre 4 at 11.
Umaasa ang mambabatas na personal na dadalo ang dating pangulo sa pagdinig upang mahingan ng paliwanag sa mga binitawan nitong banta kanyang buhay.
Nanindigan rin si Castro na hindi aatras at itutuloy ang kaso upang makuha ang hustisya laban sa mga panghaharass sa oposisyon na ginagawa umano ng dating pangulo.
Maaalalang nag-ugat ang kaso matapos na ihayag ni Duterte sa national television na dapat umanong gamitin ang confidential fund laban sa Makabayan bloc kasabay ang pagbabanta sa buhay ni Castro.