DAGUPAN CITY — “Dapat matagal nang napag-isipan.”
Ito ang naging buwelta ni Alliance of Concerned Teachers Partylist Rep. France Castro sa naging pahayag ni Cong. Roman Romulo na isa sa dahilan ng Kongreso ng hindi pa pagtatalaga ng pondo para sa konstruksyon ng climate-resilient classrooms ay dahil sa hindi pa sila nakakaisip ng disenyo para sa mga ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na hindi lang naman ngayon ang tag-init sa Pilipinas kaya naman ay matagal na dapat itong napagdesisyunan ng mga kinauukulang opisyal at mga ahensya.
Aniya na ang nagiging problema ngayon ay absorptive capacity ng Department of Education, kaya naman kahit na may pondo para sa mga pangangailangan ng Kagawaran ay hindi ito nagagamit para sa paglikha ng mga pasilidad gaya ng mas maraming mga silid-aralan na magagamit sana para sa pag-aaral ng mga kabataan.
Saad nito na malaking problema kasi ang class size ng karamihan sa mga pampublikong paaralan kung saan ay nagsisiksikan ang nasa hanggang 60 mga mag-aaral sa iisang silid-aralan.
Samantala, dahil din sa kakulangan ng mga silid-aralan ay may mga paaralan na rin na nagsasagawa ng asynchronus learning, subalit kung gagamitin man ang blended learning ay hindi dapat ito ihalintulad sa nangyari noong kasagsagan ng pandemya.
Aniya na dapat walang mangayring diskriminasyon at sa halip ay mabigyan ang lahat ng mga mag-aaral ng laptop na kanilang magagamit sa kanilang pag-aaral nang sa gayon ay maging kumportable sila sa kanilang mga aralin.
Makatutulong din ang pagkakaroon ng sapat na bentilasyon sa loob ng mga silid-aralan nang sa gayon ay hindi na kakailanganing magsuspinde ng klase sa panahon ng matinding init.