-- Advertisements --
janet garin 1
Rep Garin

ILOILO CITY – Duda si dating Department of Health (DOH) secretary at ngayo’y Iloilo 1st District Rep. Janette Garin sa isiniwalat ng tinuturing na whistleblower laban sa binansagang Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) “mafia.”

Ito ay kasunod ng nangyaring Senate hearing kaugnay ng alegasyon ng kurapsyon sa DOH kung saan pinangalanan ni dating PhilHealth board member Roberto Salvador na “mafia” members sina PhilHealth regional vice-presidents Paolo Johan Perez (Region 4-B); Khaliquzzaman Macabato (BARMM); William Chavez (Region 7); Dennis Adre (Region 11); at Masidling Alonto Jr. (Region 10); PhilHealth Assistant Corporate Secretary Valerie Anne Hollero; PhilHealth Caraga legal officer Jelbert Galicto; at dating Region 12 vice-president Miriam Grace Pamonag.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Garin, sinabi nito na may mga taong nasa likod ng mga nangyayari ngayon na layunin lamang na pag-awayin ang Philhealth board at mga career officials.

Ayon kay Garin, may mga taong nagmamanipula upang ilihis ang isyu sa halip na tutukan at imbestigahan ang nangyayaring korapsyon sa ahensya.

Sinisi din ng mambabatas si DOH Sec. Francisco Duque III dahil hinahayaan lamang ng kalihim na pag-awayin ang Philhealth board at mga career officials upang matabunan ang isyu ng katiwalian.

Nag-ugat ang nasabing imbestigasyon sa naging privilege speech ni Sen. Panfilo Lacson kaugnay sa isyu ng conflict of interest laban kay Duque.

Dito rin sinabi ni Lacson na binabayaran pa rin ng Philhealth ang WellMed Dialysis Center sa kabila ng suspended accreditation matapos masangkot sa isang scam.