Umapela si House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin sa Kongreso na madagdagan ng pondo ang infectious healthcare waste program ng Environmental Management Bureau sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources(EMB-DENR) dahil nanatili pa rin malaking problema ng bansa ang pagtatapon sa tone-toneladang covid-19 medical waste dalawang taon mula nang tumama ang pandemic.
Ayon kay Garin, Vice Chairman ng House Committee on Appropriations, na hindi pa napapanahon na bawasan ang pondo para sa mga programa sa healthcare waste dahil nanatiling nasa pandemic ang bansa at patuloy na may tinatamaan ng covid virus na nangangahulugang nadaragdagan pa rin ang mga basura buhat dito.
Pinakikilos din ni Garin ang DENR na tugunan ang nagiging problema ng ilang Local Government Units(LGUs) ukol sa hindi nakokolektang healthcare waste mula sa kanilang mga preliminary treatment at storage facility.
Sa ilalim ng DENR 2023 proposed budget, binigyan ng Department of Budget and Management(DBM) ang EMB-Environmental Regulations and Pollution Control Program ng P1.22 Billion, ang nasabing budget ay P1.53 billion o nasa 55.7% na mababa kumpara sa alokasyon noong 2022 na nasa P2.75 billion.
Dahil sa tapyas na pondo partikular na apektado ang mga programa ng EMB sa pagpapatupad ng Clean Air Act, Clean Water Act, Solid Waste Management at hazardous waste regulations.
Ang COVID-19 healthcare waste program para sa mga LGUs ay para lamang sa medical waste na nakokolekta sa mga kabahayan, vaccination sites at quarantine facilities at hindi kasama dito ang mga medical waste na nanggagaling sa mga ospital na direkta nang hinahakot ng TSD patungo sa mga landfill.
Noong nakaraang taon umabot sa 634,687.73 metric tons na healthcare waste ang nakakolekta, mataas ito ng halos 500% kumpara sa nakokolektang medical waste bago ang pandemic.