CAUAYAN CITY – Sa kabila na nasa ika-23 na puwesto sa partial and official count ng Commission on Elections ay hindi pa rin nagco-concede si senatorial candidate at Rep. Gary Alejano.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ng Magdalo representative na hindi pa maliwanag sa kanya ang resulta ng eleksiyon at wala pang pagproklama sa mga nanalo.
Binatikos din ng mambabatas ang umano’y paggamit ng pamahalaan ng puwersa at resources.
Halimbawa na aniya ang mismong pangangampanya raw ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang mga kaalyado.
Nangangamba ngayon si Alejano na mawawalan ng “check and balance” sa Senado dahil lumalabas na majority ng mga nanalo ay kaalyado mismo ng Pangulo.
Mahalaga aniya ang pagkakaroon ng matatag oposisyon sa pamahalaan dahil sila ang pupuna kung may pagkukulang at pagmamalabis ang pamahalaan.