Kinondena at nagpahayag ng galit si House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun hinggil sa presensiya ng “monster ship” ng China sa karagatan malapit sa Zambales.
TInawag ni Khonghun na ang ginawa ng “monster ship” ay isang nakaaalarmang pagpapakita ng pananalakay at panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas partikular sa exclusive economic zone (EEZ)
Ayon kay Khonghun ito ay sukdulan ng agresyon, at walang karapatan ang China na pasukin ang teritoryo ng ating bansa.
Sinabi ng Kongresista na ang nasabing barko ay simbolo ng pambu-bully na hindi dapat palampasin ng Pilipinas dahil ang kanilang ginawa ay malinaw na paglabag sa international law at labag sa soberenya ng Pilipinas.
Naniniwala ang mambabatas na ang ganitong aksiyon ay hindi lamang banta sa ating teritoryo kundi maging sa seguridad ng bansa at kabuhayan ng mga lokal na mangingisda.
Umapela si Khonghun sa sambayanang Pilipino lalo na sa kaniyang mga kababayan na hindi dapat matakot sa ginagawa ng China.
Aniya kailangan ipakita ng Pilipinas sa mundo na kaya nating ipaglaban ang ating karapatan sa ilalim ng UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea).
Nanawagan naman si Khonghun sa Philippine Coast Guard (PCG) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na palakasin pa ang kanilang presensiya sa nasabing lugar.
Hinimok din nito ang Department of Foreign Affairs (DFA) na maghain ng panibagong diplomatic protest laban sa China.
Binigyang-diin ng mambabatas ang kahalagahan na palakasin ang ugnayan ng Pilipinas sa mga kaalyado nitong bansa.
Dagdag pa ng Zambales solon na dapat tayo umalma sa kanilang ginagawa dahil ulit-ulitin ito ng China.