Ikinagalak ni Albay First District Rep. Edcel Lagman ang pagbasura ng korte sa mga kasong kinakaharap ni dating Sen. Leila de Lima na may kaugnayan sa ilegal na droga.
Sa isang pahayag sinabi ni Lagman na sa wakas ay nakamit din ni De Lima ang hustisya at napatunayan ngayon na siya ay inosente laban sa mga kaso na ibinato sa kanya ng nakaraang administrasyon.
Ipinunto ni Rep. Lagman na nadaig ng tapang at tatag ni De Lima ang hindi katanggap tanggap na mga malisyosong paghusga sa kanya.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Lagman na ang atrasado o napakatagal na pagbibigay ng hustisya ay totoong sumisira sa rule of law.
Samantala, naniniwala naman si House Deputy Minority Leader France Castro na ang pagbasura sa lahat ng drug charges laban kay dating Senadora Leila De Lima ay isang tagumpay hindi lamang para sa kanya kundi sa lahat ng mga inakusahan at ikinulong nang walang basehan sa ilalim ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay Castro, ibinubunyag ng desisyon ng korte ang mga gawa-gawang kaso at pang-aabuso sa justice system para sa pulitika.
Maituturing na aniyang “long overdue” ang pagpapawalang-sala kay De Lima ngunit nanaig pa rin ang hustisya laban sa political persecution.
Ipinanawagan din ni Castro na dapat nang bilisan ang pagbibigay ng hustisya sa mga biktima ng drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil ilang taon na silang naghihintay lalo na ang mga kaso ng extrajudicial killings.