-- Advertisements --
BM LORENZ DEFENSOR
BM Defensor/ FB post

ILOILO CITY – Mariing itinanggi ni Iloilo 3rd District Representative Lorenz Defensor ang akusasyon ni Senator Ping Lacson na may nakalaang pondo para sa 22 na House Deputy speakers at sa bawat kongresista galing sa 2020 budget.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Congressman Defensor, sinabi nito na walang katotohanan ang impormasyon na natanggap ni Sen Lacson dahil ang P1.5 bilyon na tinutukoy ng senador ay dagdag na pondo na nirequest ng House of the Representative para sa kabuang operasyon ng kongreso sa 2020.

Ayon kay Defensor, wala rin silang kinalaman sa P700 milyon na nakalaan para sa bawat kongresista dahil trabaho lang nila ang mag rekomenda ng pondo para sa bawat departamento sa kanilang distrito at hindi ang magtalaga ng pondo.

Matatandaang inaprobahan ng House of the Representative ang proposed 2020 national budget at ang indibidwal at institutional na amendment ng mga kongresista sa budget bill noong nakaraang linggo.

Ani Defensor, ang 2020 budget ang pondo na pinakamabilis na naaprobahan at ito ay ipapasa na sa Senado sa katapusan ng Setyembre o sa unang linggo ng Oktubre.