Nagpahayag ng pagkabahala si Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang posibleng pagmamaniobra ng dayuhan sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil mayroon umano itong mga opisyal na Chinese nationals.
Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises noong Martes, inusisa ni Luistro ang pagsunod ng NGCP sa probisyon ng Saligang Batas na nagtatakda na dapat ay 60% pagmamay-ari ng mga Pilipino at tanging mga Pilipino lamang ang maaaring maitalaga sa executive position at pamamahala ng kompanya.
Inihalimbawa ni Luistro ang mga ebidensyang mula sa mga rekord ng NGCP, kabilang ang General Information Sheet (GIS), kung saan ang mga Chinese ang nasa mahahalagang posisyon tulad ng Chairman of the Board, pati na rin ang partisipasyon ng NARI Group Corporation, isang Chinese IT infrastructure provider, sa operasyon ng NGCP.
Ayon sa mambabatas, ang prisensya ng mga dayuhan sa mahahalagang posisyon sa NGCP ay hindi lamang sumasalungat sa layunin ng constitutional safeguards kundi nagbubukas din ng pagdududa kung sino talaga ang may kontrol sa operasyon ng power grid.
Iginiit naman ng opisyal ng NGCP na si Pia San Diego sa komite, na tumatalima ang kompanya sa constitutional requirement, at tiniyak na ang lahat ng opisyal sa executive at managerial positions ay pawang mga Filipino.
Gayunman, hindi sinang-ayunan ni Luistro ang pahayag ng opisyal at sinabing ang mga posisyon tulad ng Chairman of the Board, Chief Technical Officer, at evaluators of bids ay malinaw na bahagi ng managerial roles.
Iginiit naman ni San Diego na ang Chairman ay hindi itinuturing na isang executive official.
Sinabi ni Luistro na base sa 2024 GIS ng NGCP, lumalabas na si Zhu Guangchao, ang Chairman of the Board- ay isang na isang Chinese national.
Binanggit din ng kongresista ang ilang pang opisyal ng NGCP na pawang mga Chinese na sina Liu Zhaoquiang, ang Assistant Chief Technical Officer, at Liu Xinhua, ang Chairman of the Board Audit Committee.
Ipinakita ni Luistro ang mga karagdagang rekord na nagsasabing si Wen Bo, na tinukoy bilang Chief Technical Officer at isang Chinese.
Ang pagdinig ay bahagi ng isang motu proprio na imbestigasyon ukol sa pagsunod ng NGCP sa kanyang legislative franchise sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 9511.
Iniimbestigahan ng mga mambabatas kung ang NGCP ay sumusunod sa mga kinakailangan ng Konstitusyon ukol sa pagmamay-ari at pamamahala ng mga dayuhan sa mga public utilities.
Ipinunto ni Luistro na ang partisipasyon ng mga Chinese national sa operasyon ng NGCP ay nagdudulot ng pangamba sa pambansang seguridad at pagsunod sa constitutional safeguards.