-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Magbibitiw umano sa pwesto si Maguindanao 2nd District Cong. Esmael”Toto”Mangudadatu kung mabigong makamit ang hustisya sa karumal-dumal na masaker sa lalawigan ng Maguindanao.

Isang dekada na ang nakalipas ngunit hanggang ngayon ay hindi pa nakamit ang inaasam-asam na hustisya ng 58 katao na brutal na pinatay kabilang na ang 32 na mga mamamahayag sa Sitio Masalay, Brgy Salman, Ampatuan Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009.

Kabilang sa mga pinatay ang asawa ni Mangudadatu, kaibigan at mga kamag-anak na inilibing gamit ang backhoe.

“Inaasahan natin bago Disyembro 20 ay magkakaroon na ng promulgation na magpapabor sa mga biktima ng Maguindanao Massacre,” ani Mangudadatu.

Sinabi ni Mangudadatu na dapat walang makakalusot sa pamilyang Ampatuan na sangkot sa malagim na masaker.

“Sobrang bigat lalo na pag nakita mo anak mo, bunso namin, lagi minsan naiisip niya wala nanay,” dagdag pa ni Mangudadatu.

Aniya, pinatawad niya ang mga suspek matapos na hinimok siya ng kanyang mga anak na “umusad” mula sa dekadang krimen.

Matagal na ring patay ang utak sa masaker na si dating Maguindanao Governor Datu Andal Ampatuan Sr.

Inihayag ni Mangudadatu na iginagalang niya ang desisyon ng Quezon City Regional Trial Court na humingi ng 30-araw na pagpapalawig matapos ang kaso ay isinumite para sa resolusyon sa paghahatol.

“Wag natin madaliin. Siguro si judge naman maingat na rin sa kaniyang desisyon,” paglilinaw pa ng kongresista.

Nilinaw ni Mangudadatu sa lahat na ‘wag nating madaliin ang desisyon ng hukom dahil maingat ito sa kanyang magiging hatol na tiyak na itatala sa kasaysayan ng bansa.