CENTRAL MINDANAO- Pangungunahan ngayon araw ni Maguindanao 2nd District Congressman Esmail”Toto”Mangudadatu ang 10th year anniversary ng karumal-dumal na masaker sa probinsya.
Mag-aalay ng bulaklak at dasal ang pamilya mangudadatu sa massacre site sa Sitio Masalay Brgy Salman Ampatuan Maguindanao.
Kasama ng kongresista ang mga Mamamahayag at pamilya ng mga biktima.
Dadalo rin sa banal na misa sa massacre site si Presidential Task Force on Media Security Executive Director Undersecretary Joel Egco.
Una nang sinabi ni Mangudadatu na magbibitiw umano siya sa pwesto kung mabigong makamit ang hustisya sa karumal-dumal na masaker sa lalawigan ng Maguindanao.
Isang dekada na ang nakalipas ngunit hanggang ngayon ay hindi pa nakamit ang inaasam-asam na hustisya ng 58 katao na brutal na pinatay kabilang na ang 32 na mga mamamahayag sa Sitio Masalay, Brgy Salman, Ampatuan Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009.
Kabilang sa mga pinatay ang asawa ni Mangudadatu, kaibigan at mga kamag-anak na inilibing gamit ang backhoe.
Sinabi ni Mangudadatu na dapat walang makakalusot sa pamilyang Ampatuan na sangkot sa malagim na masaker.
“Sobrang bigat lalo na pag nakita mo anak mo, bunso namin, lagi minsan naiisip niya wala nanay,” dagdag pa ni Mangudadatu.
Aniya, pinatawad niya ang mga suspek matapos na hinimok siya ng kanyang mga anak na “umusad” mula sa dekadang krimen.
Matagal na ring patay ang utak sa masaker na si dating Maguindanao Governor Datu Andal Ampatuan Sr.
Umaasa si Mangudadatu na sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ay makamit na nila ang totoong hustisya sa malagim na kasaysayan ng eleksyon sa bansa.