Ibinunyag ni SAGIP Partylist Representative Rodante Marcoleta na hindi siya kinausap ng liderato ng Kamara de Representantes bago ang pagkakatanggal sa kaniya bilang miyembro ng ilang komite.
Maalalang inalis na ang kongresista bilang member at vice chair ng iba’t-ibang komite ng Kamara na kinabibilangan ng Committee on Good Governance and Public Accountability, Committee on Energy, Justice, Public Accounts at Constitutional Amendments.
Pinalitan din siya sa makapangyarihang komite na Commission on Appointments.
Naniniwala si Marcoleta na ang pagtindig niya sa mga House rules ay ang dahilan ng tuluyang pagtanggal sa kaniya sa ilang mga komite ng Kamara.
Maalalang sa huling pagdinig ng House Committee on Appropriations sa 2025 budget ng OVP ay inirekomenda ng mambabatas na i-terminate o tapusin na ang budget hearing ng OVP. Ito ay bilang pagkilala aniya sa tradisyon ng House of Representatives na magbigay ng ‘parliamentary courtesy’ sa dalawang pinakamataas na opisina sa bansa: ang Office of the President at ang OVP.