-- Advertisements --

Mariing kinondena ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega ng La Union ang malawakang pagkalat ng fake news sa iba’t ibang social media platforms kasunod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ayon kay Ortega ang pagkalat ng fake news ay maituturing na isang “national embarrassment” lalo’t hindi rin nakaligtas maging ang International Criminal Court (ICC) sa ikinakalat na maling impormasyon.

Pinuna rin ni Ortega ang pagpapalaganap ng maling impormasyon ni dating Executive Secretary Salvador Medialdea, kabilang ang mga alegasyon na nawawala si Duterte at hindi siya binibigyan ng sapat na atensyong medikal ng ICC.

Ayon kay Ortega, maging ang ICC ay tinatarget ng pro-Duterte disinformation, kung saan si Presiding Judge Lulia Motoc ay naging biktima ng fake news at online harassment.

Nag-viral ang fake news na hindi marunong ng Ingles si Judge Motoc, sa kabila ng opisyal na rekord ng ICC na nagpapatunay na dalubhasa siya sa limang wika, kabilang ang English.

Bukod dito, naglabasan din ang maling pahayag na konektado si Motoc sa pamilya Marcos matapos siyang maling matukoy sa isang larawan kasama si First Lady Liza Araneta-Marcos.

Binatikos din ni Ortega ang paglaganap ng fake quote cards na mula sa mga kilalang personalidad na umano’y sumusuporta kay Duterte, kabilang si U.S. President Donald Trump at maging ang fictional character na si Saul Goodman mula sa seryeng “Breaking Bad.”

Batay sa ulat ng fact-checking organizations tulad ng VERA Files, karamihan sa maling impormasyon kaugnay ng pag-aresto kay Duterte ay mula sa pro-Duterte networks, na kumakalat sa Facebook, TikTok, at YouTube.

Ilan sa mga pekeng balita ay ang manipulated videos ng mga protesta sa Argentina at Serbia na pinalabas bilang rally sa suporta kay Duterte sa Pilipinas.

Hinikayat ni Ortega ang mga Pilipino na maging mapanuri at tiyaking totoo ang impormasyon bago ito ibahagi online.