Nagbabala si House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union kaugnay ng panghihimasok ng China upang maimpluwensyahan ang paparating na halalan sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kandidato na magtataguyod ng kanilang interes sa Senado at pahinain ang demokrasya ng bansa.
Naglabas ng pahayag si Ortega matapos ang mga pagsisiwalat ng National Security Council (NSC) sa mga pagdinig ng Senado, kung saan ibinunyag ang umano’y lihim na kasunduan sa pagitan ng Chinese Embassy sa Maynila at isang lokal na public relations firm para magpatakbo ng troll farm na sumisiraan sa mga institusyon ng Pilipinas at sa publiko.
Sinabi ng Kongresista na hindi lang ito foreign influence kundi kundi maituturing na itong foreign interference na idinisensyo para makapag infiltrate sa pulitika ng bansa at ilito ang mga Pilipino.
Dagdag pa ni Ortega may mga kandidatong tumatakbo ngayon na halatang may basbas ng banyagang interes.
Ayon sa mga opisyal ng NSC, pinalalakas ng mga lokal na social media proxies ang mga naratibong suportado ng estado ng China, na nagtatangkang sirain ang tiwala ng publiko sa mga ehersisyo ng depensa ng bansa, binabatikos ang mga halal na opisyal, at unti-unting hinuhubog ang opinyon ng publiko bago ang halalan sa Mayo.
Kinondena ni Ortega ang isang “well-funded and well-orchestrated digital assault” laban sa mga botante ng Pilipinas, na may alegasyong ang pera mula sa China ang pinagmulan ng mga troll operations na lumikha ng mga pekeng online persona para magpalaganap ng pro-China na mensahe habang inaatake ang Pangulo, mga miyembro ng Kongreso, hudikatura, at sandatahang lakas.
Hinimok ni Ortega ang mga botante na maging mapagmatyag at mapanuri, lalo na sa mga kandidatong inuulit ang mga naratibo na kontra-Balikatan, kontra-EDCA, o pabor sa Beijing.
Nanawagan din si Ortega para sa agarang pagsasampa ng mga kasong kriminal at pagpasa ng mas mahihigpit na batas laban sa dayuhang panghihimasok sa eleksyon.