Pinayuhan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero si House Deputy Majority Leader Paolo Ortega na mag-aral pa patungkol sa impeachment trial kay Vice President Sara Duterte, partikular ngayong naka-break ang sesyon ng Kongreso.
Ang pahayag ni Escudero ay matapos sabihin ni Ortega na kung kaya raw magsagawa ng pagdinig ngayong naka-recess, kaya rin aniyang simulan ang paglilitis kay Duterte ngayong naka-break.
Giit ni Escudero, dapat pag-aralan ni Ortega ang pagkakaiba sa pagitan ng motu propio hearing na maaaring gawin kahit na walang session habang ang impeachment proceedings ay hindi maaring simulan kapag nakarecess ang sesyon.
Maliban na lamang daw kung nais ni Ortega na isabotahe ang sarili nilang impeachment case sa pamamagitan ng padagdag ng panibagong basehan para kwestyunin ng kampo ng pangalawang pangulo ang impeachment proceedings sa pamamagitan ng paggigiit ng mababaw na legal theory na maaring simulan ang impeachment kahit naka-break ang sesyon ng kongreso.
Gayunpaman, payo ng pangulo ng Senado at sa iba pang co-prosecutors nito na igihan ang pag-aaral sa kaso dahil kapag nagsimula na aniya ang paglilitis ay hindi pahihintulutan ni Escudero ang anumang pagkaantala.