Hindi naiwasan ni Davao Rep. Paolo Duterte na maglabas ng pagkadismaya ukol sa pag-usad ng impeachment case laban sa kaniyang kapatid na si Vice President Sara Duterte sa panig ng Kamara.
Ayon sa mambabatas, galit at nababagabag umano siya sa political motives ng mga nagsusulong ng pagpapatalsik sa bise presidente.
Aniya, ang malisyosong pagmanipula ng ilang mambabatas, na pinamumunuan ni Rep. Janette Garin, ay upang agarang mangalap ng mga pirma at itulak ang agarang pag-apruba at pagsasagawa ng walang batayang kaso ng impeachment na ito ay isang malinaw na akto ng political persecution.
Giit niya, ang administrasyong ito ay gumagawa raw ng mapanganib na hakbang.
Kung hindi aniya natinag ang mga ito sa mahigit isang milyong taga-suporta ng Iglesia Ni Cristo na nagrally, ang mga ito ay bulag na patungo sa mas malaking problema .
Kung iniisip raw ng administrasyong Marcos na maisusulong nila ang tinawag niyang “pekeng impeachment” nang walang kaparusahan, ang mga ito raw ay labis na nagkakamali.
Ito ay hindi lamang aniya tungkol kay VP Sara Duterte, sa halip ito ay tungkol sa kagustuhan ng sambayanang Pilipino.
Sa huli humirit pa si Rep. Duterte ng pahayag na ang walang-ingat umanong sa pang-aabuso sa kapangyarihan ay hindi magtatapos ng matiwasay.
“This is not just about VP Sara Duterte—this is about the will of the Filipino people. The growing discontent and frustration across the country will not be contained for long. Mark my words: this reckless abuse of power will not end in their favor,” pahayag pa ni Duterte.