Nanawagan ngayon si Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte sa agarang pagpasa ng panukalang batas na naglalayong magtatag ng isang Department of Disaster Resilience (DDR) na siyang makikipag-ugnayan at mamamahala sa disaster preparedness, response and rehabilitation efforts ng pamahalaan.
Ginawa ni Rep. Duterte ang kaniyang panawagan kasunod ng napakalakas na lindol na tumama sa northern Luzon kahapon ng umaga.
Binigyang-diin ni Rep Duterte ang pangangailangan para sa agarang pagbuo ng nasabing departamento.
Magugunita na isinusulong ni Duterte, kasama sina Benguet Rep. Eric Yap, Quezon City Rep. Ralph Tulfo at ACT-CIS Partylist Reps Edvic Yap, Jocelyn Tulfo at Jeffrey Soriano ay naghain kamakailan ng House Bill No. 452 na naglalayong lumikha ng DDR.
Ang panukalang-batas ay naglalayong lumikha ng isang “empowered, highly specialized, science and ICT (information and communications technology) para mabilis na tumugon sa kalamidad.
Sinabi ni Duterte na sa ilalim ng panukalang batas, ang DDR ang mamamahala at magdidirekta sa pagpapatupad ng national, lokal at community-based na disaster resilience at disaster management programs, projects and activities sa pakikipagtulungan ng mga kaukulang ahensya ng gobyerno, local government units (LGUs), civil society organizations, mga akademikong grupo at iba pang stakeholder.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) hindi bababa sa limang katao ang naiulat na namatay at mahigit 60 iba pa ang nasugatan nang tumama ang 7.0 magnitude na lindol sa northern Luzon kahapon.
Aniya, ang paggamit ng space technology, artificial intelligence, drones, radar, computer models, at micromapping ay dapat na ma-access sa DDR.
Ang panukala ni Duterte ay nananawagan din para sa paglikha ng isang Disaster Assistance Action Center (DAAC) na magsisilbing one-stop shop upang iproseso ang mga kinakailangang dokumento para sa kapwa domestic at international na tumutulong na mga aktor.
Ang pinagsama-samang bersyon ng kanyang panukalang batas at ang mga inihain ng ibang mambabatas ay naaprubahan sa ikatlong pagbasa ng Kongreso, ngunit ang katapat na panukala nito ay nanatiling nakabinbin sa Senado.