-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nagulat si House Deputy Speaker at Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay sa inilabas na desisyon ng Sandiganbayan na 30 taong pagkakabilanggo matapos idineklara ng anti-graft court na guilty siya sa tatlong graft cases.

Ito ay may kaugnayan sa umano’y mismanagement ng 780-milyong pisong pundo sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang chairman ng Local Water Utilities Administration (LWUA).

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Congressman Pichay na ikinagulat niya ang desisyon dahil wala umano itong kaibahan sa orihinal na kasong conspiracy na isinampa laban sa kanya at sa 22 iba pa, na matagal na ring ibinasura.

Sa ilalim umano ng kasong conspiracy ay maa-apply ang kasabihang ‘An act of one is an act of all’ kung kaya’t kanyang kinwestyon ang hindi pagsama sa kanila ni dating LWUA Deputy Administrator Wilfredo Feleo Jr. sa unang 22 na mga akusadong na-abswelto na sa naturang kaso.

Ito’y maliban pa umano sa kawalan nila ng civil liability dahil ang bangkong nauugnay sa sa pag-acquire umano ng LWUA noong 2009 ng 60-porsientong voting stock sa Laguna-based local thrift bank na Express Savings Bank Inc. (ESBI) ay nasa ilalim ng receivership at under liquidation din na nagkakahulugan umano na hindi pa napatunayang mayroon ngang nawawalang pera o kaya’y may na-commit silang undue injury sa pamahalaan kung kaya’t walang kreming naganap.