-- Advertisements --

Malabong suportahan ng pangulo ng PDP-Laban na si Senador Aquilino Koko Pimentel III si presidential son at Davao Rep. Paolo “Pulong” Duterte na tatakbo na rin sa house speakership ngayong 18th Congress.

Ayon kay Pimentel, obligasyon nilang maging priority ang kasama sa partido bago sumuporta ng ibang kandidato sa pagiging pinuno ng Kamara.

Kamakailan ay nag-anunsyo na rin ang PDP-Laban sa pamamagitan ni Sen. Manny Pacquiao na si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang magiging pambato ng kanilang mga kasamahan sa lower House.

Magugunita na una na ring itinanggi ng nakababatang Duterte ang pagtakbo nito sa speakership race subalit kahapon muling lumabas ang balita na interesado na itong lumaban dahil sa kabiguan ng mga aspirant na magkasundo.

Sa panig naman ni Sen. Bong Go, tinitiyak niya na hindi tatakbo tutuloy si Pulong sa pagtakbo dahil magbibitiw sa puwesto ang Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda na maaaring makakuha ang presidential son ng malaking bilang ng boto sa oras na magbigay daan si Leyte Rep. Martin Romualdez.

“Paolo will get 300 and no need to share term. Surely, Martin will give way. The long and short of it: it’s still the President who will wield the sword,” wika ni Salceda.

Para naman kay Pampanga Rep. Aurelio Gonzales Jr., baka mag-atrasan ang mga taga PDP-Laban sa pagsuporta kay Velasco dahil sa development na ito.

Habang si dating House Speaker Pantaleon Alvarez ay hindi na raw makikisali sa speakership derby kung tutuloy ang nakababatang Duterte.

Samantala, iba naman ang sinusuportahang kandidato ni Hugpong ng Pagbabago founder at Davao City Mayor Inday Sarah Duterte-Carpio at ito ay si Davao Rep. Isidro Ungab.