Matapos ang naging kontrobersiya sa national budget ng bansa, inatasan ngayon ng Korte Suprema si House of Representatives Committee on Appropriations chairperson Rep. Stella Luz A. Quimbo na dumalo sa isasagawang oral argument sa Abril 1.
Ito ay may kinalaman sa inihaing petisyon na kumikwestyon sa constitutionality ng national budget ngayong taon.
Partikular na rito ang Republic Act No. 12116 o ang 2025 General Appropriations Act .
Gaganapin ang oral argument sa Baguio City kung saan isasagawa ang traditional summer sessions ng Korte Suprema.
Kinumpirma rin ito ni Atty. Victor D. Rodriguez na isa sa mga petitioners na naghain sa SC.
Inatasan din ng Korte Suprema na dumalo sa gaganaping oral argument ang tumatayong technical working group ng Senate at Kamara.
Inaasahang tatalakayin dito kung nalabag ba ng RA 12116 o mas kilala sa tawag na 2025 General Appropriations Act ang Section 15, Article 11 ng Constitution na may kinalaman sa Sections 10 hanggang 11 at Section 7 ng RA 11223 o Universal Health Care Act.
Tatalakayin rin kung nalabag ng 2025 GAA ang Section 25(1), Article VI ng konstitusyon at iba pang isyu na may kinalaman sa kontrobersiya sa national budget ng bansa.