-- Advertisements --

Hinimok ni Marikina City Rep. Stella Quimbo ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na seryosohin ang mungkahi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na magpatupad ng isang taong moratorium sa koleksyon ng premium contribution sa gitna ng malaking sobra sa ginagamit nitong pondo.

Ipinaalala ni Quimbo na bilang isang social health insurance program, hindi dapat layunin ng PhilHealth ang kumita, kundi ang pagbibigay ng pinakamalaking benepisyo para sa mga miyembro nito.

Tugon naman ni Department of Health Assistant Secretary Albert Domingo na, “Zero po ang tubo ng isang social health insurance program.”

Pinuna ni Quimbo ang pananalapi ng PhilHealth at tinanong ang dahilan ng patuloy na koleksyon ng premium sa kabila ng malaki nitong reserbang pondo. 

Paliwanag naman ni Domingo, “Para hindi po masayang ‘yung tubig, sinasara po yung gripo.”

Sa ulat ni PhilHealth Senior Vice President Israel Pargas, lumalabas na nakalikom ang ahensya ng halos P195 bilyon mula sa direktang premium noong nakaraang taon.

Sa kabila ng inaasahang pagtaas ng gastusin para sa benepisyo sa 2025, binanggit ni Quimbo na nananatiling matatag ang kalagayang pinansyal ng PhilHealth.

Nangangamba rin ang mambabatas sa kakayahan ng Philhealth na magamit ng mahusay ang kanilang pondo at kinuwestyon rin ang ginamit na batayan sa pagtukoy ng premium rate. 

Una na ring kinumpirma ni Nerissa Santiago ng Philhealth na kumuha ng consultant ang tanggapan para sa 2024 valuation, subalit walang mahahalagang natuklasan na iniulat. 

Sa pagdinig, tinanong ni Quimbo ang mga opisyal ng PhilHealth kung naisip ba ng ahensya ang pagbaba ng mga premium dahil sa kanilang sobrang pondo.

Inamin naman PhilHealth President at CEO Emmanuel Ledesma Jr. na hindi ito napag-usapan.

Idinagdag pa niya na ang istruktura ng pondo ng PhilHealth, na pangunahing nagmumula sa sin tax, ay nagdudulot ng lumalaking pondo na maaaring hindi akma sa tunay na pangangailangang pangkalusugan ng mga miyembro.

Pinag-usapan din kung ano ang ginagawa sa mga kontribusyon na hindi nagamit.

Paliwanag ni Domingo,  pay as you go system or parang paluwagan ang sistema na ginagamit kung hindi ka nagkasakit sa ngayon, may iba ang dapat na gumamit.

Pinagtuunan din ng pansin ni Quimbo ang hindi pagkakatugma ng koleksyon at paggamit ng pondo.

Muling iginiit ni Quimbo na dapat unahin ng PhilHealth ang kapakanan ng mga miyembro at tiyakin na ang kanilang mga kontribusyon ay nagreresulta sa mga konkretong benepisyo.