Suportado ni Murang Pagkain Super Committee over-all Chairman at Albay Representative Joey Salceda ang hakbang ng pamahalaan na magbenta ng bigas sa halagang ₱20 kada kilo kung saan ang Visayas ang magiging pilot implementation ng programa.
Naniniwala si Salceda, na ang hakbang na ito ay may estratehikong halaga, lalo na sa isang rehiyon na may hamon sa logistics.
Binigyang-diin ni Salceda na nananatili ang paninindigan ng kanilang komite na ang ganitong uri ng programa ay dapat ipatupad sa mga lugar lantad sa price manipulation.
Ayon kay Salceda, makatuwiran ang pagpapatupad ng nasabing programa sa Visayas dahil isa ito sa mga lugar na logistically isolated.
Ipinunto ni Salceda na mas mainam itong gawin kapag hindi panahon ng anihan upang maiwasan ang negatibong epekto sa farm gate prices.
Aniya, bagaman hindi pa ito malaking alalahanin sa kasalukuyan, dapat maging handa ang National Food Authority (NFA)sa kanilang mandato sa pagpapatatag ng presyo ng bigas.