-- Advertisements --

Suportado ni Murang Pagkain Super Committee over-all Chair Joey Salceda ang hakbang ng pamahalaan na magbenta ng bigas sa halagang ₱20 kada kilo na programa ng Marcos administration.

Naniniwala si Salceda, na ang hakbang na ito ay may estratehikong halaga, lalo na sa isang rehiyon na may hamon sa logistics.

Sinabi ni Salceda na nananatili ang paninindigan ng kanilang komite na ang ganitong uri ng programa ay dapat ipatupad sa mga lugar lantad sa price manipulation.

Dahil ang Visayas ay isa sa mga lugar na logistically isolated itinuring niyang makatuwiran ang pagpapatupad nito sa rehiyon.

Gayunpaman, binigyang-diin niya na mas mainam itong gawin kapag hindi panahon ng anihan upang maiwasan ang negatibong epekto sa farm gate prices.

Aniya, bagaman hindi pa ito malaking alalahanin sa kasalukuyan, dapat maging handa ang National Food Authority (NFA)sa kanilang mandato sa pagpapatatag ng presyo ng bigas.