-- Advertisements --

Kinapitan na rin ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) si Sulu 1st District Rep. Samier Tan.

Ayon kay House Secretary-General Jose Luis Montales, huling nagtungo sa Kamara si Tan noon pang Mayo 18.

Asymptomatic o wala naman umanong sintomas ng COVID-19 si Tan, at kasalukuyan nang sumasailalim sa home quarantine.

Samantala, maliban sa mambabatas, mayroon din umanong isang empleyado ng mababang kapulungan at isang consultant ng isang kongresista ang dinapuan din ng virus.

Paglalahad ni Montales, ang naturang consultant ay pumunta sa Kamara nitong Hulyo 14 at 15 kung saan sa parehong okasyon, nagtrabaho lamang ito nang mag-isa sa kanilang opisina.

Nagtungo pa raw ito sa isang bangko sa House of Representatives Complex noong Hulyo 15.

Wala rin daw itong sintomas ng COVID-19 at nasa self-isolation na rin.

Habang ang isa pang COVID-19 positive na empleyado, na napag-alaman na isang committee publication staff writer, ay huling nag-report sa trabaho noong Hulyo 8.

Sumailalim na rin daw ito sa testing makaraang lagnatin ito at magkaroon ng sipon.

Kasalukuyan na ring naka-home quarantine ang naturang kawani.

Ito na ang ika-20, 21 at 22 kaso ng COVID-19 sa Kamara.