Tinuldukan na ni Presidential son at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos ang usap-usapan pamunuan nito ang Maharlika Investment Corporation.
Ayon kay Marcos, bukod sa walang katotohanan, hindi rin sya interesado kung itatalaga sa naturang posisyon.
Inamin pa ni Marcos, hindi siya qualified sa naturang posisyon at hindi niya ito gusto.
Ito ang naging reaksiyon ni Marcos sa report na siya umano ang itatalagang President and Chief Executive Officer ng MIC, na mamamahala sa kauna-unahang sovereign wealth fund ng bansa.
Sinabi ng nakakabatang Marcos, na tumatayong House Senior Deputy Majority Leader ngayong 19th Congress ay “absurd and severely false” o walang katotohanan ang nabanggit na tsismis.
Sa ngayon, ongoing ang paghahanap ng mga bubuo sa MIC board na kinabibilangan ng President and CEO, dalawang regular directors at tatlong independent directors.
Sa September 27 ang deadline sa pagsusumite ng application para sa mga interesadong maging bahagi ng MIC board.
Ayon sa Department of Finance, inaasahang maipatutupad na ang Maharlika Investment Fund bago matapos ang taon.
Noong Hulyo, matatandaan na nilagdaan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang kontrobersyal na Maharlika Investment Fund Law, na sinasabing makakatulong sa mga prayoridad na proyekto ng gobyerno.