Dinipensa ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves ang isinusulong nitong panukalang batas na nagre-require ng identification cards (IDs) sa mga social media users.
Ito ang House Bill 129 “An Act Mandating the Authentication of Online and Social Media Memberships in the Country Through Registration of their Accounts Using Any Valid Government-issued Identification and/or Barangay Certificate,” or “The Online and Social Media Membership Accountability Act.”
Sa panayam kay Rep. Teves kaniyang sinabi na hindi masasagasaan sa nasabing panukalang batas ang “freedom of expression” dahil malaya pa rin ang bawat isa na makagawa ng account sa iba’t ibang social media platforms.
Aniya, ang pagkakaiba lamang dito ay ire-require na ng mga social media companies ang mga users na magsumite ng valid identification cards.
Sa sandaling maging ganap ng batas ang HB 129, paparusahan ang social media provider na hindi makakapagbigay at makapagpapatunay ng pagkakakilanlan ng may hawak ng account na nahaharap sa demanda mula sa isang naagrabyado na partido.
Madali na rin matukoy at maaresto ang mga users na napatunayang sangkot sa iligal na aktibidad online, nanloloko, sangkot sa cyber libel at iba.
Inihayag naman ng mambabatas na ang posibleng penalty para duon sa mga social media companies na lumabag sa batas ay nasa milyong halaga.