-- Advertisements --
image 454

Posibleng hindi pa raw makakapasok sa kanyng trabaho si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr. ngayong araw na siyang deadline ng House of Representatives para mag-report sa trabaho ang mambabatas.

Una nang sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na binigyan lamang niya si Teves nang hanggang Marso 20 si Teves para bumalik sa bansa.

Una nang ibinasura ng Kamara ang hirit nitong dalawang buwang leave of absence.

Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Teves, natanggap daw nila ang abiso ng House of Representatives na kailangang magpakita ngayong araw pero duda siya kung masusunod ito.

Iginiit pa rin ni Topacio na mayroong security concerns kaya hindi pa puwedeng lumabas ang kanyang kliyente.

Iginiit ni Topacio na mas nanaisin daw ni Teves na harapin ang administrative sanctions ng House Committee on Ethics and Privileges dahil sa kanyang patuloy na pagliban sa trabaho kaysa harapin ang mga security threats ng kanyang buhay.

Kung maalala, si Teves ay humaharap sa criminal complaints at isinasangkot sa pakamatay ni Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Una na rin umanong pinayuhan ni Topacio si Teves na personal itong humarap sa kanyang mga reklamo pero sa ngayon ay ang kanyang legal team muna ang magrerepresenta sa mambabatas.

Nakatakda namang isagawa ang susunod na preliminary investigation sa criminal complaints na inihain ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na may kaugnayan sa mga nakuhang illegal firearms at explosives sa kanyang mga ari-arian sa Marso 22.