CENTRAL MINDANAO-Tutol si Maguindanao 2nd District Congressman Esmael “Toto”Mangudadatu sa nais ng ilang mga opisyal ng probinsya na gawing kabisera ng bubuuing Southern Maguindanao ang bayan ng Shariff Aguak.
Ayon Mangudadatu, bago maipasa sa Kongreso ang kanyang House Bill 6413 ay naroon ang lahat ng mga opisyal ng lalawigan mula Governor, Vice Governor, Board Members at mga Mayors kung saan kinonsulta ang mga ito at hindi naman nagpahayag ng pagtutol na gawing kabisera ng Southern Maguindanao ang bayan ng Buluan.
Naniniwala ang mambabatas na bagamat may mga karapatan pa rin silang tutulan ito pero sana noon pang nasa committee level pa ng Kongreso nila ito inihayag.
Kampante ang Kongresista na susundin ng Senado ang batas na naipasa ng Kongreso at ito ay magtutuloy-tuloy na para sa ikauunlad ng lalawigan.
Magiging kabisera naman ng Northern Maguindanao na binubuo ng labing dalawang bayan ang bayan ng Datu Odin Sinsuat samantalang ang Southern Maguindanao na mayroong 24 na bayan ay ang Buluan kung saan naroon ang kapitolyo.
Samantala kabilang din sa tinutulan ng mambabatas ang panukalang gawing District Hospital ang kasalukuyang kapitolyo.
Sinabi pa rin ni Congressman Toto na hindi dinisensyo bilang hospital ang Provincial capitol ng Maguindanao na pinondohan ng halos 200 million pesos at mismo si Pangulong Rodrigo Duterte ay napahanga dahil sa disenyo nito.
Sa huli umapela ang opisyal na magkaisa na lang sana dahil lahat naman anya nito ay para sa mga mamamayan ng lalawigan ng Maguindanao